41

Sep 8, 2021 @ 17:33
By

Pacquiao kay Duterte: Senado hindi namumulitika

Hiniling ni Senador Manny Pacquiao kay Pangulong Rodrigo Duterte na hayaan ang Senado na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa overpriced na face mask at face shield at tigilan na ang pagdepensa sa mga tao nito na sangkot diumano sa mga katiwalian.

“Ang hiling ko lang sa Pangulo na hayaan kami na gampanan ang trabaho namin. Ang hiling ko lang e ‘wag niya depensahan ang mga tao niya na iniimbestigahan dahil may alleged na corruption at kung mapatunayan ipakulong natin,” pahayag ni Pacquiao sa online interview ng mga reporter.

Ginawa ng senador ang reaksiyon kasunod ng bagong akusasyon ni Duterte na pamumulitika lang ang ginagawang imbestigasyon ng Senado.

Pero giit ni Pacquiao, hindi pamumulitika ang kanilang ginagawa kundi ginagampanan lang ng Senado ang kanilang tungkulin ‘in aid of legislation’.

“Sa totoo lang hindi pamumulitika ‘yan e. Ginagampanan namin ang tungkulin as a senator, as a legislator,” ani Pacquiao.

“We investigate in aid of legislation at ‘yun ang ginagawa namin at nung umpisa pa lang nung 2016 nag-iimbestiga na kami about corruption,” sabi pa ng senador, na nanguna sa pagdinig noon ng Senado sa pondong ginamit sa road right of way.

Paglilinaw pa ni Pacquiao, hindi siya nakikipag-away kay Duterte at pinapanigan lang niya kung sino ang tama.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?