35

Sep 8, 2021 @ 16:27
By

Pacquiao: Kami ang legit na PDP-Laban

Nanindigan si Senador Manny Pacquiao na sila ang lehitimong grupo ng PDP-Laban matapos maghain ng petisyon ang grupo ni Energy Secretary Alfonso Cusi laban sa kanila sa Commission on Elections (Comelec).

“Aantayin natin ang desisyon ng Comelec kasi kami naniniwala kami, na kami ang legit na PDP,” pahayag ni Pacquiao sa online interview ng mga reporter.

“Ang mahigit isandaang libong members ng PDP naniniwala sa atin at nakasuporta sa atin at nandito sa atin ang database ng partido simula nung ito ay tinatag hanggang sa kasalukuyan,” dagdag nito.

Noong Martes, naghain ang kampo ni Cusi ng petisyon sa Comelec para ideklarang iligal ang grupo nina Pacquiao at Senador Aquilino “Koko” Pimentel.

Sabi naman ni Pimentel, hindi pa nila nababasa ang reklamo subalit iginiit nitong matagal na sila sa partido sapul noong buuin ito ng kanyang amang si yumaong Senate President Nene Pimentel.

“We need to go over the petition because I have been with the PDP-Laban since 1980s and I only know of one PDP-Laban which my father founded and which I never left together with thousands of party diehards at the grassroots level,” sabi ni Pimentel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?