798

Jul 16, 2021 @ 16:40
By

Pacquiao binuweltahan si Quiboloy: Hindi ganyan si Jesus

Binatikos ni Senador Manny Pacquiao si Pastor Apollo Quiboloy, isang self-proclaimed “Appointed Son of God” dahil sa pagpapakalat ng mali-maling kuwento laban sa kanya.

“Hindi ko nga alam bakit nangangaral ka ng salita ng Panginoon tapos ganyan ka? Hindi ganyan si Jesus Christ,” sabi ni Pacquiao sa DZBB.

“Hindi ako nakikipag-away pero nililinaw ko lang ‘yung side ko,” dagdag pa ng senador.

Nauna nang kinuwestiyon ni Quiboloy, executive pastor ng The Kingdom of Christ, ang P3.5 bilyong halaga ng Primary Sports Development and Training Center, isang proyekto ni Pacquiao sa Sarangani.

“Si Quiboloy, biro mo sabihin ba naman na may project akong P3.5 [billion], tapos ang kinunan ng mga tao ni Quiboloy, gumagawa sila ng fabricated story, ‘yung kinunan, ‘yung building na 1996 pa itinayo. Pero hindi kinunan ‘yung mga bagong building na nagawa,” paliwanag ni Pacquiao.

Paglilinaw pa ng senador, P350 milyon hanggang P400 ang halaga ng nasabing proyekto at hindi P3.5 bilyon na sinasabi ni Quiboloy.

“Pero ang budget doon, hindi P3.5 billion. Actually, ang budget talaga, nasa mga P350 million to 400 million or pinaka-maximum na P500 million. ‘Yun ‘yung training center ng Sarangani, ‘yung may batas. Hindi P3.5 [bilyon],” saad pa nito.

Matatandaan na napikon si Pangulong Rodrigo Duterte at mga kaalyado nito hinggil sa alegasyon ng korapsyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Paglilinaw ng senador, hindi kinakalaban si Duterte, bagkus tinutulungan niya itong masugpo ang korapsyon sa kanyang administrasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?