199
Pacquiao balak pagkasunduin ang 3 Speaker-wannabes ng PDP Laban
Jun 7, 2019 @ 17:50
By

Pacquiao balak pagkasunduin ang 3 Speaker-wannabes ng PDP Laban

MANILA – Tatangkain ni Senador Manny Pacquiao na suyuin ang kanyang mga kapartido sa PDP Laban sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na pag-isahin ang kanilang pwersa upang magkaroon lamang ng iisang kandidato para sa liderato ng Kamara sa pagpasok ng bagong Kongreso sa Hulyo.

Nagpag-alaman ng Abante sa ilang insiders ng partido na pormal na inimbitahan ni Pacquiao para sa isang pribadong pagpupulong sa kanyang mansyon sa Forbes Park ang tatlong Speaker-wannabes ng PDP na sina reelected Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco, reelected Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales at dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez (Davao del Norte).

Pipilitin umanong kumbinsihin ni Pacquiao ang tatlo niyang kapartido na pag-isahin na lamang ang kani-kanilang mga pwersa upang magkaroon ng iisang manok na ilalaban sa pagka-Speaker ng Kamara sa susunod na buwan.

Ang eight-division world boxing champion na nagsilbi din bilang overall campaign manager ng PDP nitong katatapos lamang na midterm elections ay nangangamba umano na kung magpapatuloy na watak-watak ang kanyang mga kapartido sa Kamara ang hindi malabong masulot ng ibang pwersa ang liderato ng Mababang Kapulungan.

Bukod kasi sa tatlong taga-PDP ay may dalawa pang kongresista na nag-aasam din upang masungkit ang liderato ng Kamara kagaya nila incoming Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ng Lakas-CMD at Taguig-Pateros Congressman-elect Alan Peter Cayetano ng Partido Nacionalista (NP).

Ang isang kandidato sa pagka-Speaker ay nangangailangan ng hindi bababa sa 153 boto upang masungkit ang liderato ng Kamara subalit dahil lima nga ang naglalaban-laban para sa pwesto ngayon ay hindi na ito kailangan at tanging plurality o simple majority lang ng boto ang kakailangainin upang maging susunod na lider ng Mababang Kapulungan.

Sa kasalukuyan ay may 83 miyembro and PDP sa papasok na ika-18 Kongreso sa Hulyo 22 subalit nahahati ito ngayon sa pagitan nila Velasco, Gonzales, at Alvarez dahil pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang chairman din ng partido na huwag makialam sa isyu ng liderato ng Kamara.

Maugong na liyamado umano si Velasco sa tatlong Speaker-wannabes ng PDP dahil sa pagiging malapit nito kay Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.

Samantala si Gonzales naman ay napaulat na manok umano ng kampo ni Senador Koko Pimentel, ang kasalukuyang pangulo ng PDP habang si Alvarez naman ay nananatiling kasapi ng liderato ng partido at kasalukuyang secretary-general nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?