113
magdalo-gary-alejano
Dec 5, 2017 @ 15:14
By

Pabida na naman

Hindi totoong ­tanging si Duterte at ang kanyang iniidolong si da­ting Pangu­long Ferdinand Marcos lang ang nagbibigay-atensyon sa pangangailangan ng ating kasundaluhan.

Kung nagawa lang para sa AFP ang usapan, hindi rin naman maikakaila ang naiambag ni dating Pangulong Noynoy Aquino na siyang nagsulong ng AFP Modernization Program. Naipasa ang unang batas kaugnay nito noong panahon ni Pangulong Ramos ngunit napaba­yaan ng mga sumunod na administrasyon.

Nakasaad sa RA 7898 ang pagmomodernisa ng AFP sa loob ng 15 taon. Ngunit dahil sa Asian Financial Crisis noong 1997 at pagpapabaya ng mga nakalipas na administrasyon, natapos ang 15 taon na walang malaking pagbabago. Muling binuhay ang pagmodernisa ng ating Sandatahang Lakas sa pagpasa ng RA 10349 na nagtakda ng karagdagang 15 taon para sa AFP Modernization Program.

Alinsunod na rin sa AFP Modernization Program, nagkaroon ng unti-unting pagpapalakas sa ating mga military hardware. Hindi ba alam ni Duterte na sa administrasyong Aquino nabili ang 12 FA-50 fighter jets na ginamit sa giyera kontra sa Maute-Abu Sayyaf Group sa Marawi City? Maging ang mga bagong barko ng ating Sandatahang Lakas ay dahil sa programang modernisasyon ni dating Pangulong Aquino.

Kung ang tinutukoy naman ni Duterte ay ang pagtaas sa benepisyo ng ating kasundaluhan, mukhang mali na naman ang Pangulo. Si PNoy ang nagpanukala ng Executive Order No. 201 na basehan ng pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga sibilyan, military at uniformed personnel sa gobyerno.

Ibigay ang kaukulang pagpuri sa nararapat na pagbigyan nito at ­huwag kumuha ng kredito sa gawa naman ng iba. ­Iwasang maging masyadong pabida.

Ang malinaw lang, si Duterte ang tanging Pa­ngulo ng bansa na panay ang ikot sa mga kampo militar na tila ba patuloy na nanliligaw.

Nalulugod tayo sa atensyong binibigay sa ating Sandata­hang Lakas ngunit hindi maiwasang magkaroon ng ilang mga katanungan kung ano ba talaga ang tunay na hangarin ng Pa­ngulo sa karagdagan at extra-ordinaryong atensyon na ito.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa: E-mail: rep.alejano.magdalo@gmail.com FB: /Rep.AlejanoMagdalo  Twitter: @Alejano­Gary

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?