125

Oct 21, 2017 @ 19:27

Pabahay sa Marawi, ‘di matutulad sa Yolanda! – Andanar

Sisiguraduhin ng gobyerno na hindi matutulad sa mga pabahay sa mga biktima ng bagyong Yolanda ang mga itatayong pabahay para naman sa giyera sa Marawi City.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, gagawing matibay, maayos at komportable para sa mga taga-Marawi ang itatayong temporary shelter .

Naging mapait aniya ang naging karanasan ng mga biktima ng bagyong Yolanda dahil kahit maraming tumulong ay hindi pa rin natapos hanggang ngayon ang pabahay sa mga ito, kaya’t sa pagbangon ng Marawi City ay titiyakin ng gobyerno na hindi mauulit ito.

“The very painful and bitter experience of Yolanda will not happen again. We can assure you that. If you notice, you don’t see government today actively seeking for donations and assistance,” ang pahayag ni Andanar.

Sinabi ng kalihim na malaking hamon ang kinakaharap ng gobyerno para sa pagbangon at rehabilitasyon ng Marawi City kaya’t sisikapin nilang kayanin ito at hindi tatanggihan ang mga gustong tumulong .

Sinabi pa ni Andanar na makakaasa ang publiko na magiging transparent ang gobyerno sa lahat ng mga gagawing reconstruction sa Marawi para hindi mapahiya tulad ng nangyari sa Yolanda na dumagsa ang pondo subalit ang mga itinayong pabahay ay hindi angkop sa inaasahan.

“Tayong mga Filipino eh kaya naman nating gawin ito. But of course, hindi natin tatanggihan iyong mga donasyon, iyong mga gustong tumulong sa atin. But we will manage it properly. We will manage it in such a way na hindi tayo mapahiya muli — katulad noong nangyari doon sa Yolanda na napahiya tayo. Tapos hanggang ngayon ay pinaghahanap pa iyong pera kung saan napunta,” dagdag pa ng kalihim. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?