7

Aug 6, 2020 @ 16:59
By

Pabahay para sa mga Yolanda victim sa Ormoc tapos na

Nakumpleto na ng gobyerno ang pabahay para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, na natapos na ng National Housing Authority (NHA) Region 8 ang 1,419 units ng pabahay at pormal na itinurn-over ito kay Ormoc City Mayor Richard Gomez sa virtual ceremony nitong Huwebes.

Sinabi ni Nograles na siyang chairman ng Task Force Yolanda, ang mga housing unit ay regalo ng gobyerno para sa mga mamamayang nasalanta ng bagyong Yolanda.

“Natutuwa akong ipaalam sa inyo na dito sa Ormoc City ay 100% nang kumpleto ang housing projects — ito ay bunga ng ating pagkakaisa at pagtutulungan para isulong ang mga programa ng gobyerno para sa aming mga kababayan na nasalanta ng bagyong Yolanda,” ani Nograles.

Sinabi ng kalihim na bagama’t patuloy na nakikibaka ang gobyerno sa hamon ng COVID pandemic, nakatakdang i-turnover sa loob ng buwang ito ang iba pang natapos na housing units para sa mga bayan ng Cabugcayan, Biliran at Almeria sa mga lalawigan ng Biliran, Tacloban City, Baybay City at Basey, Samar.

Ang natenggang housing projects para sa Yolanda victims ay minana ng Duterte administration sa nakalipas na administrasyon.

Pinasalamatan ni Nograles ang NHA at mga lokal na opisyal dahil sa kanilang kooperasyon para matapos ang housing projects.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?