38
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
By

Pabahay at kalusugan ang ating tututukan

Sharing is caring!

NAGBALIK na kaming mga Senador sa trabaho dahil nagbukas na muli ang sesyon noong Martes (Mayo 15).

Kaya lang, nabahiran ito ng lungkot dahil sa pagpanaw ng isang dakilang nanungkulan din sa Senado na si dating Senate President Edgardo “SEJA” Angara.

Nais nating ipaabot ang pakikiramay sa mga naulila ni SEJA, lalo na sa ating seatmate na si Sen. Sonny Angara.

Sa natitirang panahon sa ating kasalukuyang unang termino dito sa Senado, pipilitin nating maaprubahan ang ating mga panukalang batas na alam nating magbibigay ng malaking GINHAWA SA BAYAN.

Andiyan ang pagtatatag ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHUD), Universal Health Care (UHC), Barangay Health Workers (BHWs) bill, at additional bed capacity sa mga government hospitals.

Siyempre, hindi natin bibitawan ang ating adbokasiya para sa infrastructure, maayos na public transport system, at railway system.

Layunin ng DHUD na pag-isahin sa ilalim nito ang administrative function ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at ang planning ang regulatory functions ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Ang DHUD ang magsisilbing tangi at pangunahing ahensiya na magpaplano, babalangkas ng patakaran, magre-regulate, magko-coordinate ng mga programa, at magmo-monitor ng lahat ng usaping pabahay at urban development na ang pokus ay disente at abot-kayang pabahay.

Malaki ang ating pag-asa na maipapasa ito sa Senado sa darating na mga buwan dahil nasa interpellation period na.

Sa UHC naman, magiging abot-kaya ang pagpapagamot at health services ng ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap.

Ipapaloob sila sa National Health Insurance Program kung saan ang serbisyong pangkalusugan ay “zero co-payment” para sa mga non-formal sector. Siguro, isang technical working group meeting na lang at maii-sponsor na natin ito.

Bilang chairman ng Senate health committee, 7 panukalang batas para sa BHW Ang ating tinatrabaho, dalawa dito ay tayo ang may-akda.

Dahil sa ang mga BHW ay frontliners sa serbisyo publiko na ulanin at arawin sa pagbabahay-bahay para masiguro ang kalusugan ng ating mga kababayan, gusto rin natin masiguro ang kanilang kapakanan.

Isinusulong din natin ang pagdadagdag ng kama sa government hospitals kahit sana maging 1:800 per population ratio man lang. Sa kasalukuyan kasi, umaabot ang ratio sa 1:1,100 kaya sa mga nabisita nating opsital ay maraming pasyente ang nasa pasilyo na lang.

At siyempre, walang humpay nating ipapanawagan ang massive infrastructure program lalo na ang railway system hindi lang para gumaan ang trapik kundi dahil ito ang isa sa mga susi sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

Ang lahat ng ito, kasama ang ating pagsuporta sa mga bill ng ating mga kasamahan na sa tingin natin ay makakabuti sa bayan, ay ating sisikaping gawin.

Kapag naipasa ang mga ito at naging ganap na batas, kahit paano magkakaroon ng GINHAWA ang ating mga kababayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?