77

Sep 29, 2020 @ 17:11
By

#PaalamDuterte trending online, Palasyo dedma

Hindi apektado ang Malacañang sa viral trend na #PaalamDuterte sa Twitter matapos ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-alok itong mag-resign sa puwesto dahil sa talamak na katiwalian sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na batid ng Palasyo kung sino ang nasa likod ng trending na tweet dahil ang mga ito umano ang mga kalaban ng gobyerno at nawalan ng posisyon matapos maupo ang Presidente.

Ayon sa kalihim, hindi na sila nasorpresa sa mga ganitong propaganda ng mga kalaban sa social media dahil ito lang naman ang hinihintay mg mga ito para makabanat sa gobyerno.

“Alam ko naman po kung sino ang mga yan. Alam ko po kung sino ang namumuno sa kanila,alam naman natin kung sino ang kalaban ng gobyerno. Iyong mga gahaman sa kapangyarihan, iyong mga hindi makaantay sa 2022,” ani Roque.

Kabilang din aniya sa mga naghihintay ng butas para makabanat kay Pangulong Duterte ay ang mga sakim sa kapangyarihan at nawalan ng mga raket dahil sa mga ipinatupad na pagbabago sa gobyerno.

“Iyong mga nawalan ng hanapbuhay dahil ginawang hanapbuhay ang gobyerno, hindi po ako nasu-surprise,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?