176

Oct 21, 2017 @ 13:50

Paalala sa mga magulang: Mag-doble ingat sa mga anak

Pinagbilinan ni Makati City Mayor Abby Binay ang mga magulang na kilalanin maigi ang mga kaibigan ng kanilang mga anak upang hindi mapariwara ang mga ito.

Ginawa ni Binay ang paalala nang makarating sa kanyang kaalaman na may isang 71-anyos na senior citizen ng lungsod ang nahuli dahil sa pang-aabuso ng mga babaeng high school student.

Dagdag pa ng opisyal, dapat din ay inaalam ng mga magulang kung saan lugar nagpupunta ang kanilang mga anak.
Magugunita na noong nakaraang linggo, nahuli sa isang entrapment operation ng Makati City Police si Elias Cosme, isang negosyante at residente ng Barangay Poblacion sa lungsod, matapos umanong molestiyahin ang isang 15-anyos na dalagita sa isang condominium unit.

Ang biktima ay ibinugaw diumano ng kanyang kaibigan kay Cosme kapalit ng P500.

Samantala, ang mga dalagita naman na napapagparausan ng suspek ay tumatanggap ng P1,000.

Nabuking si Cosme nang malaman ng ina ng dalagitang biktima na kalat na sa social media ang malalaswang larawan ng kanyang anak.

“Ang pagkakahuli sa suspek ay dapat magsilbing paalala sa mga magulang na mag-doble ingat at turuan ang mga anak kung ano ang mga palatandaan na may nakaambang panganib, upang huwag silang maging biktima,” bilin pa ni Binay.

Nabatid na tumangging magsumite ng kanyang kontra-salaysay si Cosme at nais nitong harapin na lang ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa korte. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?