20

Sep 16, 2020 @ 18:17
By

P9M ari-arian ng ex-Manila vice mayor pinakumpiska ng Ombudsman

Inutos ng Office of the Ombudsman ang forfeiture sa P9 milyong halaga ng mga property ni dating Manila Vice Mayor Danilo Lacuna at maybahay niyang si Melanie.

Ito’y matapos madiskubre na “out of proportion” o hindi akma ang halaga ng kanilang mga ari-arian sa pinagsama nilang kita.

Nag-ugat ang pagsisiyasat tungkol sa mga ari-arian ng mag-asawang Lacuna sa reklamong inihain ng Office of the Ombudsman noong 2006 kaugnay sa umano’y kawalan ng pinansiyal na kapasidad nilang bumili ng mga property mula 1998 hanggang 2004.

Sa desisyong inilabas ng Sandiganbayan 3rd Division, sinabing kumita lang si Lacuna ng P3.034 milyon noong 1998 hanggang 2004 bilang vice mayor habang ang misis niyang empleyado ng Philippine National Bank ay may kabuuang kita na P8.669 milyon.

“This disproportion creates a disputable presumption that the properties acquired from 1998 to 2004 were unlawfully acquired,” paliwanag ng anti-graft court.

Una nang pinabulaanan ng dating vice mayor ang alegasyon sa inihain niyang counter-affidavit noong 2008 sa Ombudsman.

Giit ng mag-asawang Lacuna, mayroon silang iba pang lehitimong pinagkukunan ng income kabilang na ang nakapangalang restaurant kay Melanie.

Sa kabila nito sinabi ng Ombudsman na, “Although the respondents-spouses insist that they had savings and secured loans to purchase the real properties or that respondent Melanie inherited a fishpond, there was no proof of actual income derived therefrom.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?