75

Oct 18, 2018 @ 23:19
By

P87 matitipid ng jeepney driver sa pagtapyas ng excise tax sa petrolyo – Bam

Hindi kuntento si Senador Bam Aquino sa pagpapasuspende ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dagdag na buwis sa petrolyo na naka-iskedyul sa 2019 batay sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Iginiit nitong tuluyan nang tanggalin ang itinaas ng excise tax sa petrolyo na sinumulang ipatupad noong Enero 1 batay din sa TRAIN Law.

“Hindi sapat ang suspensiyon. Lubusin natin ang pagtanggal ng excise tax sa petrolyo ng TRAIN Law,” ayon kay Aquino na isa sa apat na senador na tumutol sa pagsasabatas ng TRAIN Law.

Aniya, kapag natanggal ang excise tax, magkakaroon ng P87 dagdag na kita bawat araw ang mga jeepney driver.

Pambili na umano ito ng dalawang kilo ng bigas kada araw.

Dahil sa TRAIN Law, dinagdagan ngayong taon ng P4.25 ang dating P3 lang na excise tax ng bawat litro ng petrolyo.

Pinatawan naman ng P2.50 buwis ang bawat litro ng diesel at P1.00 sa bawat litro ng kerosene.

Nasa batas na madagdagan pa lahat ng P2 sa 2019 at P3 sa 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?