91

Dec 12, 2017 @ 12:36

P83-M smuggled rice, nasabat sa Cebu

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) Port of Cebu ang tinatayang 7,000 na mga sako ng smuggled na bigas sa 14 na 71 cargo containers na mula sa China.

Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na hindi ito idineklara.

Sinabi ni Customs Commissioner Isidro Lapeña, nagkakahalaga umano ng P83 milyon ang mga nasabat na puslit na bigas, ayon sa SunStar.

Dumating umano ang cargo containers sa Cebu sa magkahiwalay na petsa na lulan ng limang barko.

Diniskarga ang unang set ng mga kargamento noong Nobyembre 27, 29 at 30 habang ang pangalawang set ay noong Disyembre 3.

Unang dineklara na mga ceramic tiles ang laman nito ngunit nang dumaan sa X-ray machine ay nadiskubre ang sako-sakong bigas.

Ipinag-utos na ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang kanselasyon ng akreditasyon sa importasyon ng Manila-based consignees nito na Seven Myth Marketing and Rainbow Horizons Enterprises.

Damay din maging ang Cebu-based broker nito na siyang nagsagawa ng shipment na kinansela rin ng BOC ang lisensiya.

Kakasuhan ang consignees at broker ng paglabag sa Customs Modernization Tariff Act at sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?