109

Nov 10, 2019 @ 12:38
By

P700M kinulimbat sa stock exchange iniimbestigahan

Iniimbestigahan na ng Capital Markets Integrity Corporation (CMIC) ang pangungulimbat umano ng P700-milyong shares of stock ng mga kliyente ng stock broker na R&L Investments Inc. na sinisisi ngayon sa iisang empleyado.

Sinara ang R&L Investments Inc. na 50 taon nang stock broker dahil ninakaw diumano ng isang empleyado ang mga share ng mga kliyente nito para ibenta.

Ang CMIC ang nagbabantay sa mga stock broker, na siyang nabibilhan ng mga share ng mga kompanyang nakalista sa Philippine Stock Exchange, tulad ng Ayala Land, Jollibee, PLDT, at iba pa.

Obligasyon ng mga stock broker na tiyaking nasa pangalan ng bumili ang shares of stocks at hindi dapat nabebenta kung hindi naman nagpapabenta ang may-ari. Pananagutan ng stock broker ang pangangalaga ng shares ng mga kliyente nito at may pananagutan ang kompanya pag winaldas ito ng iisang empleyado.

Sabi ng CMIC, suspendido na ang R&L sa trading at wala na itong access sa system ng Philippine Stock Exchange, sa Philippine Depository and Trust Corporation, at sa Securities Clearing Corp. of the Philippines.

Nanawagan ang CMIC sa iba pang mga broker na may transaksyon sa R&L na ipaalam sa kanila ang mga pending transaction at mga kontrata ng R&L sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?