147

Jan 19, 2020 @ 14:51
By

P68M shabu nasabat sa bus terminal, 2 suspek pinosasan

Sampung kilo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P68 milyon ang nasabat ng Philippine National Police-Philippine Drug Enforcement Group (PNP-PDEG) at Pasay City police sa isinagawang buy-bust operation Sabado ng gabi sa isang bus terminal sa lungsod na ikinaaresto ng dalawa katao.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Mia Bianca Churez, 22, dalaga, ukay-ukay vendor at residente ng Malibay, Pasay City, at Dave Tajores Realin, 21, nakatira naman sa Trece Martirez, Cavite, nakuha sa kanila ang nasa 10 kilong halaga ng shabu na nakalagay sa isang chinese tea bag at nasa isang kilo kada bag.

Sa ulat, isang buy-bust operation ang isinagawa ng pulisya na pinangunahan ni PNP-PDEG Police Major Rodel Rosario, kasama ang mga tauhan ng Malibay Police Community Precinct (PCP) laban sa mga suspek dakong alas-8:30 ng gabi sa Philtranco Bus terminal na matatagpuan sa kahabaan ng Apelo Cruz st. kanto ng EDSA, sakop ng Barangay 151, Malibay.

Matapos na makapagbigay ng halagang P800,000 na boodle money ang operatiba sa mga suspek kapalit ng shabu ay agad na dinakma ang mga ito ng pulisya at nakumpiska sa mga ito ang shabu.

Sa ngayon ay dinala sa tanggapan ng PNP-PDEG sa Camp Crame ang mga suspek at ang nakumpiskang shabu para sa tamang desposisyon habang patuloy na iniimbestigahan kung saan nagmula ang bultong shabu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?