437

Dec 29, 2017 @ 14:31
By

P6.6-M danyos hiningi nina Paolo Duterte, Carpio kay Trillanes

Humihingi ng danyos na P6.6 milyon si presidential son Paolo Duterte at bayaw na si Atty. Manases Carpio kay Senator Antonio Trillanes IV dahil sa paninirang-puri sa kanila.

Batay sa reklamo ng magbayaw, nag-ugat ito sa interview kay Trillanes sa isang radio station sa Cebu City noong Setyembre kung saan inakusahan sila na nakipagkutsabahan umano sa director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 7 na si Ahmed Cuison para kotongan ang UBER kapalit ng kanilang prangkisa sa rehiyon.

Kapwa itinanggi nina Duterte at Carpio ang bintang ni Trillanes at malinaw anila na ito ay black propaganda para siraan sila at ang buong pamilya Duterte.

Batay sa inihaing reklamo, humihingi sina Carpio at Duterte ng P100,000 para sa nominal damages, P3 milyon bilang moral damages, P3 milyon para sa exemplary damages at P500,000 para sa attorney’s fees at iba pang bayad sa litigasyon.

Sinuportahan naman ni Davao City Mayor Sara Duterte ang naging hakbang ng kanyang asawa at kapatid laban kay Trillanes.

Ayon sa alkalde, panahon na para kumilos laban sa ginagawang paninira ni Trillanes sa kanilang pamilya.

Ipinagkibit-balikat lamang ni Mayor Duterte ang pahayag ni Trillanes na isa itong uri ng harassment dahil ang senador aniya ang nauna kaya’t sumasagot lamang sila sa mga ginagawa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?