90

Jul 18, 2019 @ 14:14
By

P5M shabu nasabat sa Bacolod, 4 arestado

Nasakote ang apat na katao habang mahigit P5 milyong halaga ng shabu ang nakuha sa kanila sa isinagawang buy-bust operation, Huwebes ng madaling-araw sa Bacolod City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Ryan Benemile, Chris John Esmedia, Aberto Pastera Jr., at Wegene Bagcal, pawang mga residente ng Barangay Alijis ng nabatid na lungsod.

Sa ulat ng pulisya, alas-3:45 ng madaling-araw isinagawa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Bacolod City Police Office (NCPO) Station 3 laban sa mga suspek sa Block 37, Lot 14, DC1, Barangay Alijis.

Isang police poseur buyer ang kumuha ng halagang P2,500 na shabu gamit ang marked money sa isa sa mga suspek at nang magkapalitan na ng shabu at pera ay agad na dinakip ito at pagkatapos ay sinugod ng pulisya ang bahay ng mga suspek kung saan inabutan ang tatlong iba pa.

Nakumpiska ang walong plastic ng pinaniniwalaang shabu na aabot sa P5,062,500 ang street value.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Bacolod City Police habang ang mga nasamsam na iligal na droga ay dinala naman sa BCPO para sa tamang disposisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?