2,091

Jul 29, 2019 @ 10:40
By

P57B nakukurakot sa PCSO

Mas malaki umano ang nakukurakot kaysa naire-remit sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ito ang inihayag ni PCSO Director Sandra Cam sa isang panayam sa radyo, kasunod nang pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon lahat ng lotto, small time lottery, Keno at palaro ng bayan sa buong bansa.

Ayon kay Cam, dapat nasa mahigit 70 bilyong piso kada taon ang kinikita ng PCSO subalit ang naire-remit lamang ay 13 bilyong piso.

Isinumbong aniya nito sa Pangulo ang mga nagyayari sa PCSO at naniniwala siyang vinalidate ito ng Pangulo kaya humantong sa desisyon na suspendihin ang operasyon ng nabanggit na mga laro, pati na rin ang mga franchise at kontrata sa ahensiya.

“It’s my job to report to the President what’s happening at PCSO. But the President is not dumb enough na ako lang ang susundin non. Mayroon siyang…nagpapa-counter yan, he has all the resources to check kung totoo yung aking ibinigay na dokumento,” ani Cam.

May binanggit si Cam na dalawang grupong nagmomonopolya umano sa mga laro ng PCSO, ang Aguilar group at Misiano group na simula sa unang araw hanggang ngayon ay hindi pa nagreremit sa ahensiya.

Ang Misiano group ani Cam ang may pinakamalaking player ng stl sa Pangasinan na kumikita ng 20-25 million pesos kada araw .

Nakakalungkot aniyang ang mga pinagtiwalaan ng Pangulo sa PCSO ang siya pang gagawa ng korapsiyon at manloko sa kanya.

“Ang sipag sipag ng Pangulo sa kanyang paglaban sa korapsiyon tapos ang mga inilagay, instead na sumunod sa kanyang adbokasiya, ay siya pang nangunguna , kapag nakakita ng sinag ng pera, nawawala na. Yung appointing authortiy dapat proteksiyonan, hindi na nila maproteksiyonan,” dagdag pa ni Cam.

Handa ang PCSO director na humarap sa anomang imbestigasyon ng Kongreso at handa aniya nitong ibigay ang mga dokumentong magpapatunay sa mga nangyayari sa PCSO.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?