20

Nov 10, 2021 @ 13:57
By

P50M ipinuslit na sibuyas, nasabat sa Misamis Oriental

Nagkakahalagang P50 milyon ng smuggled na pulang sibuyas ang nasabat ng Sub-Task Group Economic Intelligence (STGEI) at Bureau of Customs-Port of Cagayan de Oro sa Mindanao Container Terminal (MCT), Tagoloan, Misamis Oriental noong Nobyembre 8 at 9.

Ibinunyag ito ng Department of Agriculture Assistant Secretary at co-chair ng STGEI on Food Security, Federico E. Laciste, Jr sa isang press conference noong Martes, Nobyembre 9, sa Bureau of Custom’s Office (BOC).

Kasunod ng pagsusuri sa 18 fourty-footer container van, na consigned ng R2H Trading na idineklarang imported na breaded shrimp, flavored nuts, curdled cream milk, crustaceans, acidified cream, smoked crawfish, at breaded improver, napag-alaman na ang mga container van ay naglalaman ng mga pulang sibuyas mula sa China.

Ang mga ipinuslit na produkto ay walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) na inisyu ng DA-Bureau of Plant Industry. Ito ay maaaring magdala ng mga posibleng peste o sakit na makakaapekto sa mga lokal na pananim at kalusugan ng mga mamimili.

Binigyang-diin ni Laciste na ang mga ito ay hindi akma para sa pagkonsumo ng tao at dapat na maayos na itapon. (Sherrylou Nemis)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?