50

Jan 24, 2020 @ 17:22
By

P50K kapalit ang pagpasa sa neuro, medical exam: Pulis swak sa kotong

Inaresto ang isang pulis ng kanyang mga kabaro matapos na umano’y kotongan ang kapatid ng isang police applicant kapalit ng pagpasa sa neuro-psychiatric at medical examination nitong Lunes sa General Santos City.

Kinilala ni Lt. Col. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 12, ang suspek na si Master Sgt. Arnel Abellara, 46, miyembro ng Regional Health Service (RHS)-12 na nakabase sa Camp Fermin sa nasabing lungsod.

Ayon kay Gonzales, dakong ala-1:00 ng hapon, Enero 20, nang arestuhin ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enfocement Group (PNP-IMEG) ang suspek sa isinagawang entrapment operation sa loob ng isang fast food chain sa Crossing Makar, Barangay Labangal ng lungsod.

Ayon kay Gonzales, huli sa aktong hawak pa ni Abellara ang P50,000 na pera mula sa complainant na si Phobe Maraguit, kapatid ng isang police applicant mula sa bayan ng Makilala sa North Cotabato.

Base sa reklamo ni Maraguit, hiningan umano siya ng pulis ng nasabing halaga upang matiyak na makakapasa siya sa neuro-psychiatric test at medical examination na isasagawa ng RHS 12 sa kapatid nitong police applicant.

Ayon naman kay Brig. General Eliseo Tam Rasco, PRO 12 Regional Director, ipag-uutos niya ang malalimang imbestigasyon hinggil sa umano’y pangongotong upang malaman kung mayroon pang mga kasabwat si Abellara sa iligal na gawain.

Sa kasalukuyan ay nakakulong ang suspek sa Makar police station at sinampahan na ito ng kaukulang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?