109

By

P500M inilaan para sa pabahay ng mga sundalo sa Marawi

Nagpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng P500 milyon para sa pabahay ng lahat ng mga sugatang sundalo na itatayo malapit sa lugar kung saan sumasailalim sa therapy ang mga ito.

Sa kanyang talumpati kahapon sa launching ng Karne, Isda Supply Suporta sa Masa at Ekonomiya (KISS ME) project ng Department of Agriculture sa Fort Bonifacio, Taguig City, sinabi ng Pangulo na ang mga itatayong pabahay ay target tapusin sa Marso 2018.

Ayon pa sa Pangulo, nakasingil ang gobyerno ng malaking halaga kaya may pondong gagamitin para sa pabahay ng mga sugatang sundalo.

“I have released P500 million just to place you where you are…at this time when you are supposed to go into a therapy or treatment, I would like you to have a housing project or village nearby, lahat ‘ yung mga sundalo na ganoon ang sitwasyon, pati ‘yung wounded, recuperating… I have ordered a village somewhere near Metro Manila para easy access lang. Kung maaari lang diyan sa likod-likod.. bigyan ko kayo ng mga bahay kaagad, and more spacious bigger than the ones that we were giving in the past,” ang pahayag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na bibigyan ng ibang trabaho ang mga sundalong hindi na maaaring makabalik sa serbisyo dahil sa mga tinamong pinsala at tiniyak na hindi iiwanan ang mga ito.

“Gusto ko na mag-training muna kayo and gusto kong malaman ninyo na may buhay after Marawi, that there is life after Marawi. And kung maaari lang, if we have a computer somewhere, I’d like you to remain in the service. Nasa serbisyo pa rin kayo ng gobyerno, ‘yung mga trabaho na ano lang, karapat-dapat na kaya ninyo,” ang dagdag na pahayag ng Pangulo.

Sa nabanggit ding okasyon ay ginawaran ni Pangulong Duterte ng Order of Lapu Lapu rank of Kampilan award ang limang sugatang sundalo na unang benepisyaryo ng ‘KISS ME’ program.

Sa ilalim ng nasabing programa, magtatayo ng outlet ang DA para sa mga panindang agrikultura sa mga kampo ng militar kung saan mga sugatang sundalo ang magbebenta at kikita.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?