55

Oct 1, 2017 @ 15:13

P50 charge ng Telcos sa paper billing pinasisiyasat ni Nancy

Hindi umano makatarungan na patawan ng P50 karagdagang charged ng ilang telecommunication companies (telcos) sa kanilang mga subscribers na kontra sa paperless billing.

Ito ang sinabi kahapon ni Senador Nancy Binay na humiling sa Senado na siyasatin ang polisiyang ito ng mga telcos na isa aniyang pag-abuso sa kanilang mga subscribers.

“Why not provide incentives to subscribers who agree to go paperless instead of punishing those who refuse? tanong ni Binay na nakasaad na inihain nitong Senate Resolution No. 521.

Nais ng senador na pagpapaliwanagin ang Globe Telecommunications Incorporated at PLDT Incorporated kung kailangang obligahin ang mga subscribers na magbayad ng P50 dahil lamang hindi nila pagpabor sa paperless billing.

“Mas mainam na hikayatin nila ang kanilang mga subscribers sa pamamagitan ng insentibo o promo para pumayag ang mga ito sa paperless billing system na ito,” sabi ni Binay.

“Ngunit para sa ilang hindi naman techie at wala namang access sa maayos na internet connection, sadyang hindi po ito makatarungan,” dagdag pa ng senadora.

Sabi ni Binay, labag sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines ang ipinatutupad na karagdagang bayad sa paper billing ng Globe at Smart subscribers.

Pagpapaliwanagin din nito National Telecommunications Commission (NTC) kung bila nila inaprubahan ang hirit ng telcos na additional charges para sa paperless billing scheme. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?