92

Dec 30, 2019 @ 14:32
By

P5.8M binigay ng PCSO sa mga sinalanta ng mga kalamidad

Habang abala ang lahat sa paghahanda para sa pagsalubong sa Bagong Taon, nakatutok naman ang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pag-iikot at pamimigay ng mga tulong sa mga kababayang sinalanta ng bagyo at baha sa lalawigan ng Cagayan, bilang bahagi ng kanilang ‘Pamaskong Handog’ sa mga nangangailangan.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, kabuuang P5.8 milyong calamity assistance at grocery packs ang ipinamahagi nila sa may 21 munisipalidad na binaha sa Cagayan at mga kalapit nitong komunidad, Sabado.

Dagdag ni Garma na layunin ng ahensyang maiparamdam sa mga nabiktima ng kalamidad ang tunay na diwa ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon: pagbibigayan at pagtutulungan.

Tiniyak rin niya na handa ang PCSO na tumulong sa mga mamamayang nangangailangan sa lahat ng pagkakataon.

Hindi lamang si Garma ang nag-ikot at namigay ng tulong dahil si PCSO Board of Director Sandra Cam ay nagtungo naman sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Sorsogon at Camarines Sur upang mamigay ng kahalintulad na tulong, habang si Anjo de Leon, na kinatawan naman ni PCSO Chairman Anselmo Simeon Pinili, ay nagtungo naman sa Catanduanes upang mamigay ng gift packs sa mga komunidad doon.

Una nang iniulat ng PCSO na umaabot na sa halos P100 milyon ang naipamahagi nilang calamity assistance sa huling bahagi ng 2019.

Kabilang sa mga nabiyayaan ng naturang tulong-pinansiyal ay ang mga lugar na niyanig ng mga lindol at sinalanta ng mga bagyo at pagbaha.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?