100

Jun 22, 2020 @ 20:52

P42M shabu, mga baril nasamsam sa QC, Malabon

Nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya ang higit P42 milyong halaga ng iligal na droga at iba’t ibang armas habang arestado ang walong suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City at Malabon kamakalawa.

Sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City nakuha sa mga naarestong sina Datu Boy Nasser, 28; Norhana Nasser, 20; at Said Ampakay, 23, ang aabot sa P6.8 milyong halaga ng iligal na droga at Mitsubishi Montero na gamit nito, sa buy-bust operation ala-1:45 ng madaling-araw sa tapat ng Veterans Memorial Medical Center.

Sunod namang nahuli sina Kenneth Pareja Maclan, 44; Dennis Santos Roque, 54; Harold Villasana, 39; at Carlito Salazar Biglang Awa, 58, sa Rockville Subdivision, San Bartolome, Novaliches kung saan nakuha sa kanila ang P8,800,000 halaga ng droga, iba’t ibang uri ng baril, bala at pampasabog.

Huli naman sa Road 25 Brgy. Dampalit Malabon ang Chinese national na si Tuan Xi Yuan nang makuhanan ng iligal na droga na aabot sa P27 milyon.

Mahaharap sa kaukulang kaso ang mga hinuling suspek. (Orlan Linde)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?