11

By

P4 dagdag-singil sa pasahe, hirit ng mga Cebu bus operator

Sharing is caring!

P4.00 na pisong dagdag singil sa pasahe ang hinihiling ng mga bus operator sa Cebu City makaraang hindi na umano nila makayaan ang mataas na presyo ng krudo.

Ito ang naging hinaing ng mga miyembro ng Cebu Provincial Bus Operators Association (CPBOA) sa naganap na public hearing sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Cebu kung saan ay wala umanong dumalong kawani mula sa commuters o consumers groups na tututol sa hinaing na dagdag pasahe.

Nabatid na kuwatro pesos ang hinihinging dagdag sa pasahe ng mga operator mula sa unang limang kilometro at trenta sentimo naman para sa karagdagang kilometro na biyahe.

Diin ng mga operator, hindi na nila makayanan ang sunod-sunod na serye ng oil price increase kaya nararapat lamang umano na ihalintulad na presyo sa Maynila ang pasahe.

Sa kasalukuyan ay nasa P6 kada kilometro ang pasahe at dagdag na P1.20 para sa susunod na kilometro ang pasahe sa Cebu na ibinase sa oil prices noong 2008 na kung saan ay nasa P20 kada litro ang krudo na ngayon ay nasa P50 kada litro na.

Ayon kay Julie Flores, chairman ng Cebu Provincial Bus and Mini Bus Operators Transport Cooperative, ngayon lamang sila hihiling sa LTFRB mula nang magtaas sila ng pasahe noon pang 2008.

“Masayang Pamasko lang naman po ang nais namin para sa mga driver,” paliwanag ni Flores.

Samantala, sinabi naman ni LTFRB 7 Assistant Regional Director Reynaldo Elnar na mayroong 15-araw ang mga operator para magpadala ng kanilang sapat na dokumento na magpapatibay sa kanilang mga petisyon kaugnay sa dagdag na pasahe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?