141

Nov 22, 2017 @ 16:54
By

P4.6M puslit na bigas, naharang sa Davao

Isang barko na may kargang P4.6 milyon na halaga ng puslit na bigas ang hinarang ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Davao.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, ang shipment ay naglalaman ng 5,000 sako ng bigas na pinaniniwalaang nagmula sa Malaysia.

“The shipment is now in the custody of Philippine Navy in Panacan, Davao City and will be turned over to BOC-Davao for inventory and disposal,” paliwanag ni Lapeña.

Nabatid na nag-isyu na si Atty. Erastus Austria, District Collector ng Port of Davao, ng warrant of seizure and detention laban sa nasabing barko na hinarang dahil sa paglabag sa Sections 113 ng Customs Modernization and Tariff Act.

“This is the largest rice smuggling activity apprehended in the Collection District XII this year,” giit ni Austria.

Ang pagkakahuli sa puslit na kargamento ay resulta umano ng pinagsanib na puwersa ng Naval Forces Eastern Mindanao Command, National Food Authority, Maritime Industry Authority (MARINA), PNP Maritime Group at ng BOC.

Samantala, nakatakda namang beripikahin ng Bureau of Immigration (BI) ang nationality ng 12 tripulante na sakay ng barko.

Nagpapakilala kasing mga Pilipino ang mga tripulante gayong batay sa kanilang seafarers’ identification at record books, sila ay galing ng Malaysia.

Lumabas naman sa rekord ng MARINA na ang barko na ginamit sa pagbiyahe ng bigas ay hindi rehistrado sa ahensya bilang carrier vessel.

“The holidays are coming and so are unscrupulous traders. The increase in consumption during Christmas season prompts illegal traders to smuggle more agricultural products,” saad ni Lapeña.

Dahil dito, iniutos na ni Lapeña ang mas mahigpit na pagbabantay sa lahat ng mga port sa bansa laban sa mga puslit na kargamento. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?