72

By

P3B halaga ng smuggled perfumes, cosmetics nasabat sa Tondo

Sharing is caring!

Nagpapatuloy ang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa isang high-rise condominium building sa Dagupan, Tondo, Maynila matapos madiskubre na ilan sa mga unit nito ay ginagawang imbakan ng P3 billion na halaga ng puslit na mga pekeng produkto.

Partikular na target ng operasyon ng BOC ang units 8-A, 10-A, 10-B, 18-C at 18-D ng Vicente Tower kung saan nadatnan ang daang-daang mga kahon ng mga counterfeit na produkto ng pabango at mga cosmetics.

Pinangunahan ni BOC Commissioner Isidro Lapena ang operasyon, kasama ang mga operatiba mula sa BOC-Enforcement and Security Service at Customs Intelligence and Investigation Service matapos ang tatlong linggong surveillance.

Galing umano ang produkto mula sa China batay na rin sa imbestigasyon ng BOC-Intellectual Property Rights Division.

Kasama sa nasamsam ng BOC ang mga makinang ginagamit sa paggawa ng mga label ng mga counterfeit product.

Isang Justine Lim ang diumano’y may-ari ng mga unit at ng mga nasamsam na kontrabando.

Walang nadakip ang mga otoridad sa nasabing operasyon dahil hindi nila nadatnan ang may-ari sa lugar.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines, ipinagbabawal ang pag-aangkat sa bansa ng mga pekeng produkto.

Kaugnay nito, iniimbestigahan na ng BOC ang posibleng pananagutan ng importer sa ilalim ng Section 118 ng Customs Modernization and Tariff Act. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?