45

Mar 2, 2020 @ 15:29
By

P3B halaga ng mga bagong gamit ng PNP, pinasilip

Aabot sa mahigit P3 bilyong halaga ng mga bagong kagamitan ng Philippine National Police (PNP) ang iprinisenta nitong Lunes sa Camp Crame.

Kabilang dito ang dalawang single engine turbine helicopters na nagkakahalaga ng P225 milyon.

Iprinisenta ni PNP chief General Archie Gamboa ang mga nasabing kagamitan na kinabibilangan din ng 37 units ng medium troop carriers na nagkakahalaga ng P3.1 milyon gayundin ang 12 unit ng PNP pick up na may halagang P1.6 milyon na gagamitin ng Special Action Force at ng Misamis Occidental Police Office.

Ang presentasyon ng mga bagong kagamitan, ayon kay Gamboa, ay parte ng modernisasyon ng PNP upang lalong mapalakas ang kanilang puwersa.

Malaking tulong umano ang mga bagong gamit para sa mga gagawing operasyon at kahandaan ng PNP sa kampanya kontra kriminalidad, terorismo at iligal na droga.

Bukod sa mga nasabing kagamitan ay mayroon pang 501 units ng mga combat helmets na nagkakahalaga ng P32 milyon.

Mayroon ding 2,800 na body camera ang kinuha ng PNP upang magamit sa mga police operation.

Dagdag pa ng opisyal na target pa niya na madagdagan ng kahit tatlong helicopter ang PNP bago matapos ang kanyang termino bilang PNP chief.

Si Gamboa ay magreretiro na sa buwan ng Setyembre.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?