19

Sep 14, 2021 @ 16:37
By

P33B kailangan para mabigyan ng laptop lahat ng guro

Kakailanganin ng Department of Education (DepEd) ng P33 bilyon para mabigyan ng laptop ang lahat ng guro sa pampublikong paaralan.

Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations ngayong Martes, nagtanong si ACT Teachers Rep. France Castro kaugnay ng pangangailangan ng laptop ng mga guro para sa implementasyon ng distance learning program ngayong walang face-to-face classes bunsod ng pandemya.

Sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na bukod sa P33 bilyong pambili ng laptop ay kailangan din ng P4 bilyon taon-taon para sa internet connectivity ng mga guro.

“We have already made several programs, but always at the end of the day, it’s always the amount of funds needed for these programs will… are obviously lacking at this time,” sabi ni Pascua.

Ngayong taon ay bibili ang DepEd ng 65,683 laptop samantalang noong nakaraang taon ay nakabili ito ng 36,676 unit. Noong 2019 ay 211,000 laptop ang nabili ng ahensya.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay nakabili naman ang DepEd ng halos 40,000 laptop.

Ang DepEd ay mayroong halos 1 milyong empleyado at mahigit 900,000 dito ay guro.

Para sa susunod na taon, may nakalaang P630.76 bilyon sa DepEd batay sa ilalim ng National Expenditure Program, mas mataas sa P595.06 bilyong pondo ngayong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?