47

Mar 1, 2021 @ 15:28
By

P30B nawawalang kita sa tobacco smuggling – Salceda

Umaabot sa P30 bilyon ang nawawalang kita sa gobyerno kada taon dahil sa smuggling ng sigarilyo at iba pang produktong tabako.

Kaya pinakikilos ni House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para mahuli ang mga smuggler.

Sa pagdinig ng komite ngayon (Marso 1), sinabi ni Salceda na mistulang tinulungan pa ng BIR ang mga smuggler nang ipatupad nito ang BIR Revenue Regulation 9-2015 kaya dapat nila itong baguhin.

Sa ilalim ng BIR 9-2015, hindi kailangang lagyan ng tax stamp ang mga sigarilyo na ginagawa sa bansa kung ito ay pang-export. Kailangan na lamang lagyan ng unique identification code (UIC) ang mga produktong ito.

Ayon kay Salceda, madaling makalulusot ang mga gumagawa ng sigarilyo dahil ang kailangan lamang ay ideklara na sa ibang bansa ito ibebenta kahit na sa aktuwal ay sa mga tindahan sa bansa ito ibabagsak.

“It’s a regulated product. And a violation of tax and trade rules on cigarettes is a malum in se. It is bad on its own. So, we have to be stricter with the regulatory pressure. We are very strict with crude. Cigarettes are also excised. The push of the thumb should be just as strong,” ani Salceda.

Nangako naman si BIR Commissioner Caesar Dulay na babaguhin ang polisiya.

Sinabi rin ni Salceda na ginagamit ng mga manufacturer ng sigarilyo ang mga ecozones dahil sa maluwag ang pagpapatupad ng batas doon at mas maliit ang kanilang binabayarang buwis.

Gagawa umano ang komite ng panukala upang matakpan ang butas na ito at gagawin nang economic sabotage ang large-scale tax evasion.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?