9

Oct 5, 2020 @ 17:22
By

P300M budget para sa NBI anti-cybercrime hinirit ni Lapid

Hinikayat ni Senador Lito Lapid ang kanyang mga kasama sa Senado na dagdagan ang pondo ng National Bureau of Investigation (NBI) para mapalakas aniya ang kampanya laban sa cybercrime.

Ginawa ni Lapid ang panawagan sa pagdinig ng panukalang P22.5 bilyong budget ng Department of Justice (DOJ) para sa 2021.

“Napapansin ko po dito sa budget ng NBI, parang kulang po ang budget nila sa cybercrime. Kailangan po nila ng P300 million, ‘yun ang karagdagan na budget ang gusto nila,” pahayag ni Lapid sa pagdinig.

Ang NBI na nasa ilalim ng DOJ ay may alokasyong P1.9 bilyon para sa susunod na taon.

Kinumpirma naman ni Justice Secretary na humihiling ang NBI ng dagdag na pondo na gagamiting pambili ng gamit para sa forensic investigation ng cybercrime division.

Sinabi din ng kalihim na nais din nilang mapondohan ang pagtatayo ng mas maraming pang forensic laboratory.

Samantala, hinikayat din ni Lapid ang kanyang mga kapwa senador na dagdagan ang pondo Bureau of Immigration (BI), na isa ring attached agency ng DOJ para sa pag-hire ng dagdag ng personnel na itatalaga sa Clark International Airport.

Sinabi naman ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate finance committee, na kanyang susubukang matugunan ang hirit na dagdag na pondo para sa anti-cybercrime campaign ng NBI gayundin ang pag-hire ng dagdag na BI personnel. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?