125

Dec 8, 2017 @ 16:40
By

P3-B budget sa P-3 program, pangontra sa “5-6” – Romero

Nanawagan si 1-PACMAN partylist Rep. Mikee Romero sa Department of Budget and Management (DBM) na paglaanan ng tatlong bilyong pisong budget sa 2019 ang Pondo para sa Pagbabago at Pag-asenso (P-3) program ng Duterte administration.

Inihain ni Romero ang House Bill 5540 katuwang si Rep. Enrico Pineda na layuning dagdagan ng P2 bilyon ang kapitalisasyon ng Small Business Corporation ng Department of Trade and Industry, ang ahensiya na nagpapatupad ng P-3 program na kontra sa “5-6 lending” at iba pang pautang na may labis na interes.

“Ngayong 2017, P1 bilyon ang budget para sa P-3. Sa 2018, may dagdag na P1-bilyon. Para sa 2019, hinihiling ko ngayon sa DBM na dagdagan pa ito ng P1-bilyon, para mas maraming maliliit na negosyante, sari-sari store, at mamumuhunan ang umusbong sa buong bansa,” ani Romero.

“Sa pagpasok kasi ng 2018, sisimulan na ng Department of Budget and Management ang proseso ng pagbalangkas sa 2019 budget,” dagdag n kongresista.

Ang P-3 program ay naglalayong matulungan ang maliliit na negosyanteng makahanap ng alternatibong mapagkukunan ng karagdagang puhunan, kapalit sa 5-6 lending, at mapalago ang kanilang negosyo sa tulong na rin ng serbisyo ng Negosyo Center.

Sa pamaamgitan nito, ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay maaring umutang ng P5,000 hanggang P100,000 saan mang DTI Negosyo Centers kung saan isang araw lamang ang pagproseso at aabot lamang hanggang 2.5 percent ang maximum interest kada buwan na maaaring bayaran araw-araw o lingguhan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?