21

Oct 12, 2021 @ 17:07
By

P3.9B budget ng Ombudsman, lusot sa Senate panel

Sa loob lamang ng 13 minuto, lusot na agad sa Senate finance subcommittee ang P3.9 bilyong panukalang pondo ng Office of the Ombudsman para sa taong 2022.

Sa ginawang presentasyon ni Assistant Ombudsman Woemark Layson, sinabi nitong nais ng ahenisya na ibalik ang P813 milyong pondo na gagamitin para sa suweldo ang mga manggagawa.

Sa 2021 national budget, nabigyan lang ang Ombudsman ng P1.83 bilyon para sa kanilang personnel service expenses.

Subalit sa 2022 National Expenditures Program (NEP) na ipinanukala ng Department of Budget and Management (DBM), binibigyan lang ang ahensiya ng P999 milyon.

Nangako naman si Senador Sonny Angara, chairman ng Senate finance committee na tutulungan ng Senado ang Ombudsman na maibalik ang pondong tinapyas na ehekutibo sa naturang ahensiya.

“I think we’ve been putting that special provision in for you for the last few years. There’s no reason why we shouldn’t do it again, and we also pledge to work very hard to augment some of the items on your wishlist,” sabi ni Angara.

Hiniling naman ni Ombudsman Samuel Martires sa Senado na panatilihin ang pondong ibinigay sa kanila nitogn 2021 sakaling mabigo ang Senado na maisulong ang orihinal nilang budget proposal para sa 2022.

Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2021, binigyan ang Ombudsman ng P4.678 bilyon. Itinutulak ng Ombudsman na gawin itong P4.798 bilyon sa 2022 subalit P3.697 bilyon ang ipinagkaloob sa kanila ng DBM sa ilalim ng NEP.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?