388

Jul 10, 2018 @ 12:32
By

P3.757-T proposed national budget sa 2019, aprub na

Inaprubahan na ng Malacañang ang 2019 proposed national budget na nagkakahalaga ng P3.757 trillion.

Sinabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno, kapareho lamang ito ng pondong ginagamit ngayong 2018 at binago lamang ang sistema ng pagba-budget kaya hindi na tumaas pa ang hinihinging alokasyon.

Ang 2019 proposed national budget ay inaprubahan ng gabinete sa ika-27 Cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinagmalaki ni Diokno ang kaibahan ng 2019 proposed national budget sa mga nakalipas na pambansang budget na aniya ay “cash-based” at hindi katulad dati na “obligation-based” o kinakailangan pang pondohan.

“It was approved sa Cabinet meeting, inaprubahan ‘yung 3.757 trillion pesos. Parehas lang ng sa 2018 budget. Obligation-based budget iyun pero sa 2019 magiging cash-based budget. Rationale bakit hindi nag – increase: binago na naming ‘yung pagba-budget. Magiging annual cash- based budget so ‘yung in a way mas mababa ang cash-based this year mas mababa,” ani Diokno.

Pinakamalaki pa ring may makukuhang pondo sa 2019 ay ang Departmenr of Education dahil umarangkada na ang libreng tuition fee, pangalawa ang Department of Public Works and Highways dahil sa inilalargang major infrastructure projects ng Duterte administration sa ilalim ng Build, Build, Build program.

Ang iba pang ahensiya na may malalaking alokasyon sa susunod na taon ay ang Department of Transportation, Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, Department of Health at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Inaasahang isusumite ni Pangulong Duterte sa kanyang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ang 2019 proposed national budget .

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?