317

Dec 12, 2017 @ 23:47
By

P3.7-T 2018 national budget, niratipikahan na sa Senado, Kamara

Pinagtibay na sa Senado at Kamara ang panukalang P3.767-trilyong national budget para sa 2018 na inaprubahan ng bicameral conference committee.

Sa Senado, walang senador ang tumutol sa national budget nang ipresenta ito sa plenaryo ni Finance Committee Chairperson Loren Legarda.

Ang Department of Education ang may pinakamalaking alokasyon na mahigit P553 bilyon, kasunod ang Department of Interior and Local Government, Department of National Defense at Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Legarda, ang 2018 budget ay instrumento para mapanatili ng Pilipinas ang katayuan nito bilang isa sa mga bansa sa Asya na may mabilis na paglago sa ekonomiya.

Sa Kamara, sinabi ni House Appropriations Committee Chair Davao City Rep. Karlo Nograles na pinagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang GAA matapos itong aprubahan ng bicameral conference committee.

Sa pagtataya ni Nograles, malamang na malagdaan ang 2018 national budget bago o pagsapit ng Disyembre 19, ngayong taon.

”President Rodrigo Duterte can proudly affix his signature to this measure on December 19 following its ratification,” ani Nograles.

Matatandaan na bilyon-bilyong pisong halaga ng pondo ang inilaan para sa sektor ng edukasyon para sa susunod na taon.

Kabilang sa mga probisyon ang karagdagang P1,000 cash allowance para sa public school teachers mula sa kasalukuyang P2,500 ay aakyat sa P3,500 (budget allocation: P770 million).

Kasama rin ang P10M halaga na inilaan sa bawat State Universities and Colleges (SUCs) na gagamitin sa repair, rehabilitation, constructions ng academic buildings at bibilhing equipment (P3.7 billion); gayundin ang pagpapatupad ng free college education program salig sa Republic Act (RA) 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (P40B) para matustusan ang free tuition at miscellaneous fees para sa college students sa lahat ng SUCs sa buong bansa. 
Nakapaloob din sa 2018 budget ang pagkakaroon ng libreng Wifi sa lahat ng SUCs na paglalaanan ng P327M.

Samantala, nakapalaman din sa pondo para sa susunod na taon ang karagdagang P62B na gagastusin sa increase ng base pay ng military at uniformed personnel’s simula sa Enero 1, 2018. 
Matatandaan na ang House Joint Resolution (HJR) 18 ay inaprubahan sa huli at ikatlong pagbasa nitong Lunes, Disyembre 11.

“This will double the basic pay of both the Police Officer 1 and Private from P14,834 per month to P29,668 per month. The funding requirement for this is already included in the 2018 General Appropriations Bill,” pagbibida ni Nograles.

Kaugnay nito, nakasapin din sa Bicam-approved General Appropriations Bill (GAB) ang budget para sa mga bibilhing body cameras na gagamitin ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga ng P334M gayundin ang bibilhing dalawang single-engine helicopters na gagastusan ng P451M, pabahay para sa PNP, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gugulan ng P952M.

Tinaasan din ang pondo para sa police stations sa pamamagitan ng pagdaragdag ng P850M para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).

Binanggit din ni Nograles ang inilaang P3.5B subsidiya sa ilalim ng PhilHealth budget para sa healthcare benefits ng government employees sa executive branch.

“This will cover health care for preventive and curative, in-patient and out-patient services for employees in the executive branch. The health benefits shall be provided to our government employees through PhilHealth-registered healthcare providers,” ayon kay Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?