178

By

P3.4M shabu nakalusot sa Robinsons

Sharing is caring!

Umaabot sa P3.4 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa isang kilalang mall sa Malate, Maynila.

Iniharap sa mga mamamahayag ni PDEA Special Enforcement Service na pinamumunuan ni Director Levi S. Ortiz, ang nadakip na si Salahudin Tokao Kendayo, alyas ‘Bato’, 21-anyos, tubong Maguindanao at nanunuluyan sa Baseco compound sa Maynila.

Nakumpiska sa suspek ang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa isinagawang buy-bust dakong alas-12:30 ng tanghali (October 17) sa level 6 roofdeck parking, ng Robinsons Place Malate, Manila.

Ayon kay Ortiz, nakatanggap sila ng impormasyon na bigtime magtulak ng iligal na droga ang nasabing suspek at matapos ang dalawang linggong surveillance at positibo ang tip na natanggap ng ahensiya ay agad silang nakipag-transaksiyon kay Kendayo.

“Yung poseur buyer namin inikot pa niya sa mall para makiramdam kung may kasama ito at nang malaman na wala ay isinama na niya sa parking mall at doon ay inilabas niya ang isang kahon na nakapaloob sa kanyang backpack at ibinigay sa aming buyer,” ayon sa PDEA official.

Sinabi naman ng suspek na ang nasabing droga ay galing sa Maguindanao na kontak ng kanyang pinsan na nakakulong sa Manila City Jail subalit hindi nito tinukoy ang pangalan.

Inamin naman ng suspek na pangalawang beses na niyang ginawa ang pagbebenta ng shabu dahil wala umano siyang makitang trabaho, nang matanggal siya bilang security guard sa isang kompanya sa Bataan.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng PDEA sa Quezon City habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?