111

By

P3.4M halaga ng shabu na nakabalot sa condom, nasabat sa Cebu

Tinatayang nasa P3.4-milyong halaga ng shabu na nakasilid sa loob ng condom ang nasabat sa ikinasang drug buy-bust operation, kamakalawa ng umaga sa Cebu City.

Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7) ang illegal drugs operation para mahuli ang target na si Jemmar Layaguin, 29-anyos, residente ng Barangay Sambag 1, Cebu City.

Ayon kay PDEA-7 Acting Director Thessa Albaño-Tiuzen, isinagawa ang buy-bust operation bandang 8:00 Biyernes ng umaga sa isang convenience store sa N. Bacalso Ave. in Barangay Sambag 1, Cebu City.

Nasabat mula sa suspek ang may 500 gramo na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4-M at nakasilid pa sa apat na condom.

Maituturing si Layaguin na isang high value target dahil sa malaking bilang ng shabu na nasabat mula sa kanya.

Nabatid na ang mga nasabat na droga na nasa loob ng mga pakete ng condom ay nilagyan ng dahon ng laurel upang hindi umano maamoy ng mga asong K9 na naka-istasyon sa mga pantalan.

Patungo sana sa Dumaguete City ang suspek ngunit napagkasunduan ng kanyang katransaskyon na police poseur buyer na sa isang convenient store na lamang sa Cebu City mag-abutan.

Nang maaresto ay todo tanggi ang suspek sa paratang na kanya ang mga kontrabando at iginiit na itinanim umano ito ng mga PDEA laban sa kanya.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?