60

By

P2P buses, dinagsa ng mga pasahero

Tila nagsawa na ang mga pasahero ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) sa paulit-ulit na aberyang naranasan sa kanilang pagsakay sa tren, kaya naman nang maglagay ng point-to-point buses ay agad itong tinangkilik ng mga mananakay.

Una nang inamin ng pamunuan ang MRT-3 na aabot lamang sa pitong tren ang napakikinabangan ng mga pasahero dahil karamihan sa mga tren ay sira na at upang maiwasan ang madalas na aberya ay hindi na pinapabiyahe pa ang mga tren.

Ayon kay MRT-3 Media Relations Manager Aly Narvaez, kinailangang tanggalin ang dalawang tren dahil sa isyu ng mechanical failure at depektibong communication system.

Dahil sa pagbawas ng tren, dalawang pagtirik lamang ang naitala ngayong Pebrero, una ay noong Pebrero 1 na kung saan tumirik ang tren bandang alas-5:48 ng hapon sa southbound ng Shaw Boulevard station habang nasa 800 pasahero naman ang nairita nang nagkaroon na naman ng technical problema bandang alas-3:26, Biyernes ng hapon sa southbound ng Santolan-Anapolis station.

Samantala, punuan na parang MRT ang naging sitwasyon ng mga P2P buses kapag umaga mula alas-sais hanggang alas-otso. Ito ay dahil sa marami na ang sumasakay ng bus dahil sa mahabang pila ng MRT at upang makaiwas na rin marahil sa posibleng aberya na naman nito.

Umaabot sa mahigit 30 bus ang nai-deploy upang isakay ang mga pasahero lalo na kapag rush hour.

Nasa 15 lamang ang pasahe sa P2P bus at dire-diretso ang biyahe nito dahil may escort na hagad ang bawat bus. Katuwang ng DOTr ang LTFRB na umaalalay sa mga pasahero.

Problema ngayon ng pamunuan ng MRT na maibalik ang tiwala ng mga mananakay sa kabila ng kaliwa’t kanang pangako na maayos na ang sistema nito sa bagong maintenance provider at maiwasan na muli ang mga aberya na kung saan ay napupuno na ang mga pasahero sa kanilang paliwanag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?