63

Oct 20, 2019 @ 14:58
By

P2K binulong sa truck driver: Kotong enforcer huli sa akto

Arestado ang isang traffic enforcer sa ikinasang entrapment operation ng Pasig Police makaraang magreklamo ang isang dump truck driver nang sitahin na wala umanong plaka ang minamanehong trak at hingan ng P2,000 bilang pantubos sa tiket, Sabado ng hapon sa Elisco Road, Barangay Kalawaan, Pasig City.

Batay sa nakalap na report mula kay Eastern Police District (EPD) Director PBGen. Johnson Almazan, nahaharap sa kasong robbery extortion si Apollo Larena y Concepcion, 43-anyos, tauhan ng Pasig City Traffic and Parking Management Office (TPMO).

Ayon sa reklamo ng biktimang si William Mejia y Escote, 42-anyos, truck driver, sinita umano siya ng suspek bandang alas-10:30 Sabado ng umaga dahil walang plaka sa likuran ang kanyang minamanehong mini dump truck na may plakang CAB 9272 habang patungo sa M. Concepcion St. Barangay Buting, Pasig City.

Agad na nag-isyu ng violation receipt si Larena at hinihingan siya ng P2,000 para mabalewala ang kanyang violation subalit hanggang P500 lamang ang kaya nitong bayaran at nakipagkasundo ang biktima sa traffic enforcer na babalikan ang tiket at ang kanyang lisensya para tubusin.

Lingid sa kaalaman ng suspek, nagtungo sa Pasig City Police ang biktima at inireklamo ang ginagawang pangingikil ng traffic enforcer kaya isinagawa ang entrapment operation na pinangunahan ni PMSg. Joel Laraya bandang 5:00 Sabado ng hapon sa Elisco Road, Barangay Kalawaan.

Ibinigay ng biktima ang dalang P2,000 sa traffic enforcer at doon na dinampot ang suspek makaraang tanggapin ang pera.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?