21

Feb 2, 2021 @ 11:40

‘P2B kada araw lugi ng ‘Pinas sa Covid’

Sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang nawawala sa gobyerno dahil sa epekto ng patuloy na pananalasa sa bansa ng COVID-19 ay dalawang bilyong piso bawat araw.

Sinabi ng Pangulo, sa kanyang regular na mensahe sa bayan kaugnay sa kalagayang pampinansiyal ng bansa, na dahil sa COVID pandemic ay bumagsak ang ekonomiya at umabot sa -9.5% ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

“According to the Secretary of Finance, araw-araw ngayon hanggang matapos itong COVID, we are losing two billion na pera para sana yon sa mga tao, yung the workers ” anang Pangulo.

Kung wala aniya sanang pandemic ay gumagalaw ang ekonomiya at ang halagang yan ay kikitain ng mga Pilipino.

Sinabi ni Pangulong Duterte na lahat ay unti-unting lumulubog , kasama ang halos lahat ng bansa sa mundo pero ginagawa aniya ng gobyerno ang lahat ng paraan para makalagpas sa matinding pagsubok ng pandemya.

“We are sinking deeper and deeper pero hindi lang rin tayo. Lahat. Pero we are trying our very best to keep us afloat,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin ni Duterte na masama ang lagay ng ekonomiya ng bansa, pero hindi naman aniya nag-iisa ang Pilipinas sa nagdurusa dahil buong mundo ay matindi rin ang dinaranas na paghihirap dahil sa epekto ng COVID-19.

“Ang ekonomiya natin mga kababayan ko ay masama talaga. Biro mo, ilang tao ang walang trabaho? The economy of the Philippines is really in bad shape. But it’s not only the Philippines who suffers. We, in the world, is (sic) suffering with everybody,” wika niya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?