31

Aug 5, 2021 @ 18:12
By

P29.7B kailangan para sa ayuda ng NCR, Calabarzon

Aabot sa P29.7 bilyon ang kailangang pondo ng gobyerno para mabigyan ng ayuda ang mga residente ng National Capital Region at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ayon kay House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda, ang pondo ay sapat para bigyan ng tig-P1,000 ang bawat residente gaya ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung ang masusunod naman umano ay ang mga economic manager na 80% lamang ng populasyon ang bigyan ang kailangang pondo ay P21.6 bilyon.

Naniniwala si Salceda na mayroong sapat na pondo ang gobyerno para pondohan ito matapos na ipag-utos ng pangulo ang pagtaas ng dibidendo na kokolektahin sa mga government owned and controlled corporation (GOCC) sa 75% mula sa 50%.

“I estimated the intake from that to be P27 billion,” dagdag pa ng solon.

Pero ang pagkakaroon ng pondo ay hindi umano nangangahulugan na dapat ng mag-ECQ dahil sa negatibong epekto nito.

“But, if we had to, we have enough for two weeks. The question is what happens next,” wika pa ni Salceda.

Dapat din umanong pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga bagay na mas mura kesa sa lockdown pero mas epektibo gaya ng P100 milyong hinihingi ng Philippine Genome Center para mapalawig ang genome sequencing sa Visayas at Mindanao.

“That’s very crucial now that we’re dealing with variants,” dagdag pa ng solon. “There will be more Delta cases. The question is whether we will allow ourselves to go the catastrophic direction of our neighbors, or we will fund the necessary responses. Bayanihan 3 is the correct answer to that question.”

Iginiit ni Salceda ang kahalagahan na maisabatas ang Bayanihan 3 para magkaroon ng dagdag na pondo para sa paglaban sa pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?