165

Oct 17, 2017 @ 18:13

P25M reward sa ulo nina Hapilon, Omar Maute kanino mapupunta?

Pag-aaralan at pagpapasyahan ng  Joint  AFP-PNP  Rewards  and  Valuation  Commitee  kung  kanino ibibigay  ang  P25 milyon na  pabuya sa  pagka-neutralized ng dalawang  terrorist leaders na  sina  Isnilon Hapilon at  Omar  Maute sa  Marawi City.

Sa  Mindanao Hour kahapon sa  Malacanang, sinabi ni Armed  Forces of the  Philippines  Spokesman Major General Restituto Padilla na  ang  nabanggit  na  komite  ang mag-validate  sa  mga  detalye  bago ibigay sa  impormante  ang reward  money.

Nilinaw  ni Padilla na hindi mapupunta sa  mga  sundalo o sa  sino mang nakapatay sa mga  high-value targets ang pabuya.

Bukod sa  alok na  pabuya  ng  gobyerno, may hiwalay  na  $5 million na  alok ang  Estados Unidos  sa ulo ni Iisnilon Hapilon.

“Dalawa po kasi ‘yung sources na ‘yan. Tulad ng sinabi niyo, may nakalaang pondo ang Estados Unidos para sa pagkahuli o pagkamatay ni Isnilon Hapilon at ito’y nasa halaga ng $5 million. At ang ibang reward ay inilaan ng ating pamahalaan para naman sa dalawang ito na napatay. Kay Hapilon, I think 10 million ‘yan. At kay Omar Maute, na nasa halagang 5 milyon kung hindi ako nagkakamali. At dinagdagan pa ito ng tig-5 milyon ng ating mahal na Pangulo,” ang  pahayag  ni Gen. Padilla.

Ipinaliwanag  ng  heneral  na dadaan sa  masusing  pag-aaral ang  sirkumstansiya  ng pagkamatay  nina  Hapilon at Maute at kung  sino ang  nakapagbigay ng impormasyon na nagresulta sa  pagka-neutralized ng  dalawa.

Kaugnay naman sa $5million  reward  ng  Amerika, sinabi  ni Padilla  na wala  silang  kontrol nito at  tanging  ang  gobyerno ng  Amerika  ang  magdedesisyon kung  kanina  ito ibibigay. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?