74

Oct 30, 2017 @ 16:54

P25M puslit na kargamento, nasamsam ng BOC

Mahigit P25 milyon na halaga ng iba’t ibang uri ng puslit na kargamento ang naharang ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, ang nasabing mga kargamento ay kinabibilangan ng mga produktong pang-agrikultura, alak, auto at aircraft parts at iba pang general merchandise.

Sinabi ni MICP District Collector Atty. Ruby Alameda, nasamsam ang mga kargamento dahil sa misdeclaration at kawalan ng import permit.

Dalawa sa mga shipment ay naka-consign sa JJTS International Trading at idineklara bilang woven pile fabrics pero natuklasang naglalaman pala ng mga sibuyas.

Ang apat na shipment naman na iprinoseso ni Customs Broker Toni Rose Amoyen ay idineklara bilang tela at lead lamps pero natuklasang auto parts, glue machinery, peking ducks, tisyu at sibuyas.

Isa namang kargamento na idineklara bilang peras at mansanas at naka-consign sa Malaya Multipurpose Cooperative ay nadiskubreng mga sibuyas at carrots.

Samantala, ang shipment naman na naka-consign sa Zafari Trading at idineklara bilang bag, plastic film, tela at papel ay naglalaman pala ng raw tobacco at sigarilyo na may brand na Mighty at Jackpot.

Kasama rin sa nasamsam ang misdeclared na kargamento na naglalaman ng alak at naka-consign sa Sphere Tucan Enterprise.

Nadiskubre naman na naglalaman ng aircraft parts ang shipment na naka-consign sa Greenfive Trading Corporation pero idineklara bilang aluminum waste at scrap.

Paliwanag ni Alameda, ang mga kargamento ay galing ng China, Vietnam, Singapore at Guam.

Ani Lapeña, lahat ng mga shipment ay sasailalim sa seizure at forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?