19
views
SHABU10
By

P22-M illegal drugs, nakumpiska; 7 arestado sa serye ng buy-bust

Sharing is caring!

Nasa pitong mga miyembro ng isang drug syndicate ang nasakote ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) na umano’y nagsu-supply ng ilegal na droga sa buong CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) at bahagi ng lalawigan ng Bulacan.

Nasabat din sa sunod-sunod na operasyong ginawa ang nasa P22 milyong halaga ng ilegal na droga.

Sa ulat ni NPD Dir. PC/Supt. Amando Clifton Empiso, kinilala ang mga naaresto na sina Lemar Garzon, 25-anyos; Richard Romoquilo, alyas Tinting, 22; Jayson Estrada, alyas Watog, 22; Aries Taglada, 27; Renz Gerona, 23; Edward Cruz, alyas Dada, 32; at Eduardo Tan, alyas Chekwa, 32.

Unang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Special Operation Unit (DSOU) sa Navotas na nagresulta sa pagkaaresto kay Tan at nasundan din ng serye ng mga buy-bust operation.

Sa isinagawang interogasyon kay Tan, dito na niya itinuro si Garzon na umano ay siyang lider ng kanilang grupo na nasa Bulacan umano ang kuta.

Mabilis na nagkasa ng operasyon ang DDEU at DSOU sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency at sinalakay ang kuta ng mga suspek kaninang umaga sa may Block 13, Phase IV, Camella Homes, Barangay Pagala, Baliuag, Bulacan kung saan kusa nang sumuko si Garzon at mga kasama nito.

Nakumpiska sa operasyon ang nasa walong kilo ng shabu na nasa ng P20-M ang halaga; 2 kilo ng marijuana na P2 milyon ang halaga; isang M16 A1 rifle; isang piraso ng Intratec submachine gun; dalawang .45 caliber pistols; Colt MK4; Armscor; isang .9mm pistol; dalawang Ford Expedition, weighing scale, mga ammunition ng mga nasabing baril at iba’t ibang drug paraphernalias.

Nakatakdang isumite sa PNP Crime Lab sa Camp Crame ang mga nakumpiskang ebidensiya upang isailalim sa eksaminasyon.

Nakatakda namang sampahan ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga nadakip.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?