453

Apr 19, 2021 @ 18:16
By

P20K ayuda para sa SSS, GSIS pensioner inutos ni Duterte

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng one-time P20,000 cash assistance ang mga manggagawang nagkaroon ng kapansanan dahil sa kanilang trabaho.

Nakapaloob ito sa Administrative Order (AO) No. 39 na pinirmahan ng Pangulo ngayong Lunes, Abril 19, 2021.

Ang one-time financial assistance para sa employee’s compensation pensioners ay pakikinabangan ng humigit-kumulang 31,000 pensioner ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).

“The ECC is hereby authorized to grant one-time financial assistance of P20,000 to EC pensioners permanent partial disability, permanent lost disability and survivorship in the private and public sectors, subject to the availability of funds and pertinent laws, rules and regulations,” anang AO ng Pangulo.

Batay sa ginawang pag-aaral, kayang tustusan ng Social Insurance Fund (SIF) ang one-time financial assistance at hindi maaapektuhan ang pondo para sa mga miyembro ng SSS at GSIS.

Batay sa obserbasyon, nahihirapan ang mga pensioner sa aspetong pinansiyal dahil sa kanilang kapansanan at nadagdagan pa ito dahil sa dinaranas na pandemya dahil sa COVID-19.

Inatasan din ni Pangulong Duterte ang ECC, SSS at GSIS na maglaan ng pondo para sa P20,000 one-time cash assistance sa ilalim ng employees compensation program.

Aileen Taliping

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?