51

Oct 28, 2017 @ 12:21

P20B sa NAIA extension, makakatulong sa turismo

Nakahanda ang Philippine Airlines (PAL) na gumastos ng P20.7 bilyon para sa extension ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Ito ang inanunsiyo kamakalawa ni PAL President Jaime Bautista sa 1st Philippine Aviation Day sa Shangri-La Makati na dinaluhan ng mga stakeholders sa aviation industry sa bansa.

Sinabi pa ni Bautista na kung mabibigyan sila ng ‘go signal’ para matuloy ang proyekto, ito ay maaari nilang masimulan na sa susunod na taon at maaaring maging operational sa 2020.

Paglilinaw nito, hindi lang naman ang PAL ang makikinabang sa extension project dahil maaari rin itong gamitin ng ibang airline companies.

Aniya, ang gagawing terminal ay maaaring magamit ng hanggang 12 milyong na pasahero kada taon at magiging malaking tulong para sa sektor ng ekonomiya at turismo ng bansa.

Sa nasabi ring okasyon, inilatag ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang “Build, Build, Build” patungkol sa mga infrastructure projects ng administrasyong Duterte. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?