88

By

P204 tsaang shabu nasabat sa condo sa Pasig

Arestado ang isang high-profile drug personality na kinikilalang kanang kamay ng mga drug lord na nakakulong ngayon sa National Bilibid Prison matapos mahulihan ng umaabot sa P204-milyong halaga ng shabu na nakabalot sa tea bags sa loob ng kanyang condominium unit na ginawang imbakan ng droga, ang ni-raid Lunes ng gabi sa Sorrento Oasis Residences, Barangay Rosario, Pasig City.

Batay sa nakalap na report, ikinasa ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), Eastern Police District (EPD), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Pasig Police ang paglatag ng search warrant No. SW 29-2019 na inisyu ni Executive Judge Danilo S Cruz ng RTC Branch 152, Pasig City laban kay Manolito Lugo Carlos alyas Lito at Tonge sa tinitirhang unit sa Sorrento Oasis Residences, C. Raymundo Ave., Barangay Rosario bandang 7:40 Lunes ng gabi.

Nabatid na si Lugo ay major target ng NCRPO at main player ng syndicated organized gang na sangkot sa illegal drug trafficking na nago-operate sa Metro Manila, Region 3 at Calabarzon area.

Napag-alamang konektado si Lugo sa mga kilalang drug personality na nakakulong ngayon sa National Bilibid Prison, Muntinlupa City at umano’y kanang kamay ng convicted drug lord na siyang namamahala sa pagi-imbak at pamamahagi ng illegal drugs.

Nakumpiska mula sa suspek ang 30 piraso ng malalaking plastic pack ng Chinese tea na naglalaman ng 30 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P204-milyong piso, assorted drug paraphernalia at iba’t ibang deposit slips na remmitance para sa bayarin ng droga.

Ayon kay PMGen. Guillermo Eleazar, hepe ng NCRPO, “Isa ito sa pinakamalaki. In fact, ito ang pinakamalaki so far sa trabaho ng NCRPO. Our drug enforcement agencies should take a deeper look as to how and why such volumes of illegal drugs enter the country and are even distributed in the heart of Metro Manila”.

Ayon sa background check ng pulisya, ang suspek ay una nang nahuli noong 2000 ng Mandaluyong Police Station dahil sa pagkakasangkot sa illegal drugs at kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?