49

Feb 28, 2019 @ 18:02
By

P200M kotong ng NPA sa mga kandidato noong 2016 – DILG

Umabot sa P200 milyon ‘extortion money’ ang umano’y nalikom ng mga rebeldeng komunistang New People’s Army (NPA) mula sa mga kandidatong tumakbo noong 2016 elections, batay sa pagtaya ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang pagbibigay ng pera ng mga kandidato ay sinasabing ‘permits to campaign’ ng NPA, partikular sa Bicol region, gayundin sa Ilocos region, Southern Tagalog, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at maging sa Davao region.

Aniya, magkakaiba ang halaga na ibinibigay ng kandidato sa mga rebelde, depende sa tatakbuhang posisyon ng mga ito, gayundin sa negosasyon nila.

Ang mga local candidate aniya ay nagbabayad ng libo-libong piso habang milyon-milyon naman ang ibinabayad kung national position ang kanilang tinatakbuhan.

Una nang inatasan ni Interior Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) na i-monitor at magsagawa ng ‘case buildup’ ngayong nalalapit na halalan laban sa mga naturang kandidatong ‘sumusuporta’ sa NPA at nagbibigay ng extortion money sa mga rebelde.

Sa ngayon umano ay 349 politiko ang kasama sa watchlist ng departamento, kabilang dito ang 11 gobernador, limang bise gobernador, 10 provincial board members, 55 mayors, 21 vice mayors, 41 councilors, 126 barangay captains, 50 barangay councilors, at walong iba pang barangay officials.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?