20

By

P200 tulong sa minimum wage earners, kailangang pag-aralan – Roque

Sharing is caring!

Matabang ang pagtanggap ng Malacañang sa mungkahi ni Labor Secretary Silvestre Bello na dapat bigyan din ng P200 tulong pinansiyal ang mga manggagawang sumasahod ng minimum na naapektuhan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kailangang masusing pag-usapan at pag-aralan ang mungkahi lalo na at mangangailangan ito ng malaking pondo.

Sa ngayon aniya ay tapos na ang proposed budget para sa 2019 na kanilang isusumite sa Kongreso sa State of the Nation Address (SONA) at posibleng hindi naisama ang mungkahi ni Bello.

“Parang tapos na iyong proposed budget for 2019 so tingnan natin kung ano ang napagkakasunduan. We will have one final Cabinet meeting before SONA so baka ma-discuss po iyan at baka ma-include iyan sa budget proposal ng Malacañang,” ani Roque.

Mayroong tinatayang 4.1 na mga manggagawang tumatanggap lamang ng minimum na sahod sa buong bansa.

Sinabi ni Roque na kailangan ding balansehin ang mungkahing dagdag-tulong pinansiyal dahil ang buwis na nakukuha sa TRAIN ay gagamiting pantustos sa mga malalaking proyekto ng gobyerno.

Kung magbibigay aniya ng dagdag na benepisyo ay mag-iisip na naman ang Malacañang kung saan kukunin ang tig-P200 para sa mga minimum wage earners.

“It has to be discussed and examined. Kasi siyempre, nagtataas tayo ng buwis dahil may mga proyekto na paggagastusan pero kung magbibigay lang naman tayo ng benepisyo, saan natin kukunin ‘yung ibibigay nating P200? So ibig sabihin niyan tataas na naman iyong buwis no, so kailangan balansehin po,” dagdag pa ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?