25

Oct 14, 2021 @ 16:11
By

P20-B inilaan sa bakuna, booster shots sa 2022

Natapos na ng Kamara de Representantes ang bersyon nito ng P5.024 trilyong budget para sa 2022.

Ayon kay House Committee on Appropriations chairperson at ACT-CIS Rep. Eric Yap, binago ang 2022 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) upang mas makatugon ang mga ahensya ng gobyerno sa pangangailangan ng publiko.

Nagpasalamat naman si Yap sa suporta nina Speaker Lord Allan Jay Velasco, House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at mga miyembro ng komite na nag-amyenda sa budget.

“Our commitment remains the same: to provide the enabling mechanisms for a responsive and dynamic governance and to strengthen the capabilities of the government in addressing the effects of the pandemic. Rest assured that the government’s battle strategy on health and nutrition, social protection, governance, and development, are carried out in this budget,” sabi ni Yap.

Kasama sa pagbabagong ginawa ng Kamara ang paglalaan ng P20 bilyon na pambili ng bakuna at booster shots laban sa COVID-19, ang P5 bilyong pondo na pantulong sa mga mahihirap na maoospital at P4.5 bilyon para sa risk allowance ng mga healthcare workers na humaharap sa mga pasyenteng nahawa ng COVID-19.

“The FY 2022 National Budget is crucial for our full recovery from the pandemic as a nation. After careful consideration and consultations, we have finalized the amendments for HBN 10153,” dagdag pa ni Yap.

Naglaan din ang Kamara ng P10 bilyon para sa Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), at P10 bilyon sa Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang Department of Transportation’s (DOTr) ay binigyan ng P6 bilyon para maipagpatuloy ang Service Contracting Program na nagbabayad sa mga driver at operator na nagbibigay ng libreng sakay.

Ang apat na tertiary school sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na walang matatanggap na pondo sa ilalim ng National Expenditure Program ay pinaglaanan ng P504 milyon.

P3 bilyon naman ang inilaan para mapabilis ang national broadband program ng Department of Information and Communications (DICT).

Ang Department of National Defense ay binigyan ng P5.5 billion pambili ng limang C-130 plane.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?